Mas maraming pabor sa death penalty

vuukle comment

MARAMING karumal-dumal na krimen na nangyayari nga­yon sa ating bansa. Sa higpit ng kampanya ng gob­yerno sa illegal na droga kaliwa’t kanan pa rin ang nahu­huling gumagamit at nagbebenta nito. Ang mga kawatan lilimasin na lang ang laman ng bahay at hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pang patayin ang mga biktima. At ang pinakamatindi, ang mga alagad ng batas ay nilagyan ng butas ang batas. Sa nagaganap na ito sa kapaligiran, isa lang ang nakikita kong solusyon, ibalik ang death penalty.

Tamang pagkakataon sapagkat wala nang kinatatakutan ang mga taong gumagawa ng krimen. May dahi­lan ang mga gago makulong man sila ay patuloy pa rin ang negosyo nila sa labas. Kung diretso bitay ang mga ‘yan natuldukan na ang kanilang kawalanghiyaan.

Tiyak maraming tututol sa death penalty. Una na riyan­ ang Simbahang Katoliko pero wala naman silang magawa ‘di ba? Bakit, kaya ba nilang pawiin ang sakit na nararamdaman ng mga biktima? Maibabalik ba nila ang buhay ng kagagawan ng mga criminal? Pag nahuli ang mga salarin gagastos pa ang gobyerno sa pagkain, elektrisidad at tubig. Masyado ng masikip ang mga kulungan ngayon siksikan na sila, nagkakahawahan na ng iba’t ibang klaseng sakit kaya para sa akin yung may mga mabibigat na sentensiya, bitayin na lang.

Ngayong nabanggit ni Sen. Manny Pacquiao na kaya raw nilang ipasa sa Senado ang death penalty. Para sa akin, unahing sentensiyahan ang mga pulis na gumawa ng kagaguhan tingnan ko lang kung hindi magtino ang iba nilang kabaro na balak din silang tularan.

Death penalty lang ang tingin kong solusyon sa mga krimen na nagaganap sa ating bansa. Sana magtagum­pay si Manny na maisulong ang batas dahil ‘yan din ang prayoridad ni Pres. Digong Duterte.